Monday, November 19, 2018
politiko-politics-ph-logo

Buti pa ang mga bukbok may bigas

Sep 9, 2018 @ 9:49

Nagprotesta at nagsuot ng pulang damit ang mga kawani ng National Food Authority para palagan ang mga mungkahi na buwagin ang kanilang ahensiya. May mga mambabatas kasi ang naniniwala na dapat nang buwagin ang NFA dahil sa walang katapusang reklamo bunga ng kawalan ng mabibiling murang bigas sa mga pamilihan.

Kung tutuusin, expected at dapat lang naman ang ginawang protesta ng mga kawani ng NFA para idepensa ang ahensiyang pinagkukunan nila ng kabuhayan. Kung matutuloy nga naman na buwagin ang NFA, tiyak na marami sa kanila ang mawawalan ng trabaho at baka mawalan din siya ng pambili ng bigas.

Pero hindi naman maitatanggi na nagkaroon ng kakulangan at ika nga eh hindi naging “advance mag-isip” sa mga namamahala sa NFA dahil nga naubusan sila ng pondong bigas. At batay sa puna ng Commission of Audit, hindi ginamit ng NFA ang P5 bilyon pondo nito na laan sa pambili sana ng palay at sa halip ay ipinambayad ng utang.

Ang matindi pa nito , inamin ni NFA Administrator Joson Aquino na walang pahintulot sa NFA Council ang ginawa nilang paglilipat ng pondo na pambili ng palay para ipambayad sa utang. At dahil diyan, nahaharap ngayon sa reklamong technical malversation at katiwalian si Aquino at ilan pang opisyal ng NFA.

Para sa ilang mambabatas, sagad sa kapalpakan ang ginawa ng NFA na hayaang maubos ang pondo nilang bigas na itinuturing isa sa mga dahilan ng pagsipa ng commercial rice sa mga tindahan. At ang mga pobreng kapos sa pera at NFA rice lang ang kayang bilhin, nagtitiis sa mahabang pila.

Ang masaklap, kung mamalasmasin ang bibili ng NFA rice, baka may bukbok pa ang mabili nilang bigas. Aba’y masuwerte pa nga ang mga bukbok, sagana sila sa bigas, hindi gaya ng mga kababayang nating salat na kailangang kumayod para may pambili ng bigas pero kailangan pa rin nilang pumila.

Sa kabilang banda naman, sa halip na ireklamo ang pagkakaroon ng bukbok sa bigas, baka naman sadyang nilagyan ng naturang insekto ang mga NFA rice para “bonus” at nang may libre nang ulam ang mga bibili nito. Hindi ba’t si Agriculture Secretary Manny Pinol pa nga ang nagpakita ng demo na ligtas kainin ang bigas na binukbok? Sana ipinakita na rin niya kung papaano gagawing ulam ang mga bukbok. Puwede kayang sabawan ang bukbok?

Iyon nga lang, kahit anong reklamo at puna yata ng mga tao laban sa mahal na bigas, tila walang epekto sa mga namamahala dahil sa katwiran nila na walang “shortage” sa bigas, para bang imahinasyon lang ng iba kahit marami ang dumadaing sa napakamahal na commercial rice at napakahirap na makabili ng murang NFA rice.

Mukhang hindi pa rin gets ng mga opisyal natin na ang iniaangal ng mga tao ay ang mahal na presyo at hindi ang kawalan ng mabibiling bigas. Meron naman talagang commercial rice sa mga pamilihan pero ang tanong ng marami nating kurimaw na dilat na ang mata sa gutom ay kung bakit biglang nagmahal. Kung dati ay may mabibili na commercial rice sa halagang P35 per kilo eh ngayon ay naglalaro na sa P45 pataas ang presyo.

Siguro kahit ang mga may maayos na trabaho, malamang na NFA rice ang bibilhin kung makikita nila na mura ito at maayos din naman ang kalidad. Sa mahal ng mga bilihin ngayon at mahal na pamasahe, marami ang tiyak na maghahanap ng paraan para makatipid at isa na diyan sana ang NFA rice… ang kaso ay pahirapan makabili.

Hangga’t hindi nakikita ng mga namamahal ang problema, aba’y natural na wala tayong aasahang solusyon.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow @dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.