Saturday, November 17, 2018
politiko-politics-ph-logo

Nasaan na ang ‘third force’?

Oct 28, 2018 @ 10:25

Halos dalawang buwan na lang at matatapos na ang 2018 pero wala pa rin ang “ikatlong puwersa” na inaasahan ng maraming Pinoy na magsasalba sa kanila sa… hindi sa kahirapan, kung hindi sa ubod nang bagal na internet connection.

Matataan na noong nakaraang Pebrero, muling iginiit ni President Mayor Digong Duterte na gusto niyang matukoy na ang ikatlong “player” sa telecommunication industry pagsapit ng Marso na kokompitensiya sa Smart at Globe. Malinaw naman ang hangarin niya— ang mapabilis ang napakabagal na internet sa bansa na minsan na ring pinuna ng Chinese tech magnate at Alibaba Group founder na si Jack Ma.

Maliban kasi sa paggamit ng internet para mang-stoke at mang-troll sa social media, maghanap ng totoo at pekeng balita, malaking bagay din ang internet sa pag-aaral at pakikipagkalakalan. Isang halimbawa na lang diyan mga tsong ang “online shopping” na patuloy na lumalaki at ang “booking” para sa turismo. Katunayan, iniuugnay pa nga ng ilang mambabatas at ekonomista ang mabagal na internet sa pagbaba ng ranggo ng Pilipinas sa world competiveness ranking.

Habang lumilipas kasi ang panahon, patuloy na dumadami ang Pinoy ang nagkakaroon ng smart phone na nangangailangan ng internet connection. Dahil madami ang gumagawa ng smart cellphone, buhay na buhay ang kompetisyon sa kanila kaya nagpapababaan sila ng presyo. Dumadami rin ang mga mandurukot at snatcher ng mga cellphone na ibinebenta nila nang bagsak presyo kahit sa mga teenager na maghahanap naman ng mga private chat group para maka-join sila ng “clan.”

Kaya kung dati ay iyong mga may kaya lang na bumili ng laptop at desktop ang naghahanap ng internet connection, ngayon, sangkaterba na ang may smart phone na naghahanap ng internet connection sa pamamagitan ng wi-fi.

Ang problema, dumadami nga ang may gadgets at smart phone, hirap naman yata o baka naman sadyang pinahihirapan ng dalawang telecom ang mga Pinoy na magkaroon ng mas mapabilis na internet connection. Dahil kaya sa kulang sila sa cell sites o cell signal sa iba’t ibang panig ng bansa o ayaw lang talaga nilang pabilisan ang komunikasyon para mas matagal na gamit sa “load” eh mas malaki ang kita?

Kung paniniwalaan ang datos ng Internet World Stats, aba’y 67 milyon daw ng mahigit 100 milyon Pinoy na ang gumagamit ng social media kahit mabagal ang internet sa bansa. Ibig sabihin mga tsong, higit 60 porsiyento na ng mga Pinoy ang nasa internet. Papaano pa kaya kung bumilis man lang kahit kaunti pa ang internet sa bansa? Baka mas lalo pang madagdagan ang maiinganyong mag-Facebook.

Iyon nga lang mga tsong, mukhang matatagalan pa ang pagdating ng hinihintay nating “third force” sa telecom industry dahil may isang gustong maging “ikatlong puwersa” ang nagsampa ng kaso sa korte na kumukuwestiyon sa proseso sa pagpili ng ikatlong player na isinasagawa ng Department of Information and Communications Technology o DICT. Depende sa magiging bilis ng aksyon at resulta ng desisyon sa pagdinit ng korte sa reklamo, at sa magiging aksyon din ng nagrereklamo, hindi pa tiyak kung matutuloy sa susunod na buwan ang pagpili sa kompanya na makikipagsabayan sa kasalukuyang dalawang telecom giant.

Kung tama ang tantiya ng DICT na kung wala nang magiging aberya, baka pagsapit ng kalagitnaan ng 2019 ay magsimula nang mag-operate ang ikatlong telco. Pero huwag kaagad umasa na bibilis na kaagad ang internet connection kapag may third force na. Siyempre hihintay pa natin kung gaano sila kabilis na kikilos para mag-setup ng kanilang sistema, at kung magpapakitang gilas naman ang dalawang telecom na pabilisin din ang kanilang internet service para hindi umalis ang kanilang mga kostumer.

Sana nga lang eh dumating na mga tsong ang bagong telco player bago mawala o ipagbawal ang Facebook sa Pilipinas dahil sa nangyayaring security breach sa account ng mga FB user. Kamakailan lang kasi, inamin ng FB sa National Privacy Commission na 750,000 sa may 30 milyong FB accounts sa mundo na nakompromiso ng hacker o mga hackers ay FB account na galing sa Pilipinas o mga Pinoy.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow @dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.