Tuesday, June 19, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Ang “joke” ni Diokno!

Jun 3, 2018 @ 9:51

Sa dami ng mga dumadaing sa mahal ng presyo ng mga bilihin, serbisyo, matrikula, produktong petrolyo, at nakaambang taas-singil sa pamasahe, hinding-hindi makatutulong ang walang pagmamalasakit na pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno.

Sa lahat ng mga lumalabas na balita ngayon, walang karaniwang manggagawa na nagsabi na okey lang at ayos na ayos lang ang pagtaas ng mga bilihin at iba pa dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Kahit nga ang ibang empleyado na higit sa minimum wage ang sahod, umaangal na walang silbi ang nadagdag sa kanilang suweldo dahil sa exemption o kaltas sa income tax dahil napupunta rin sa tumaas na gastusin.

Siguro ang matutuwa lang o walang paki sa pagtaas ng mga bilihin at gasolina ay ang mga visor, executives at mga katulad ni Diokno na ubod sa laki ang sahod at may mga allowance pa. Sila yung yakang-yaka na tumaas pa na kahit sky is the limit ang presyo ng produktong petrolyo.

Aba’y magkano nga ba ang ari-arian ni Sec. Diokno ngayon base sa kaniyang Statement of Asset and Liabilities (SALN)?. Sa inilabas na listahan ng SALN ng mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Mayor Duterte, hindi pa yata kasama ang pangalan ni Diokno. Sabi ng ating kurimaw na minimum lang ang sahod, baka nahihirapan daw na kompyutin ang kayamanan ni secretary kaya natatagalan.

Pero noong nakaraang taon, iniulat na P19.8 milyon daw ang ari-arian ni Diokno. Aba’y milyonaryo naman pala si secretary kaya balewala sa kaniya ang epek ng Train law. Bukod doon, nasa kamay ni Diokno ang kagawaran ng pondo ng gobyerno.

Buweno, sabi kasi ni Diokno, huwag daw dapat maging reklamador at iyakin ang mga Pinoy sa tumataas na bilihin dahil ang buwis naman daw na nakokolekta sa Train law ay ginagamit ng gobyerno sa sebisyo sa mga tao.

Ipinaalala rin ni Diokno na noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, umabot daw sa $135 per barrel ang presyo ng krudo. Sa ngayon, malapit na itong umabot sa $80 per barrel. Sa ilalim ng Train law, dapat suspindihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag naabot na ang $80 per barrel na presyo.

Pero mukhang hindi natumbok ng matalino pero tila insensitive na kalihim ang sitwasyon noon sa ngayon. Magkano ang palitan ng dolyar at piso noon? Kumusta ang inflation o presyo ng bilihin at serbisyon noon? Kumusta ang sitwasyon ng trapiko noon?

Magkano ang presyo ng langis noon? Magkano ang sahod ng mga manggagawa noon? Gaano kalaki ang excise tax sa produktong petrolyo noon? At may puso kaya si Secretary Diokno, gaya ng sinasabi ni Foreign Affairs Alan Cayetano na ang lamang ng mga Pinoy sa China sa isyu ng agawan sa teritoryo eh– puso!

Tanong pa ng ating kurimaw, noong panahon ni Arroyo, alam ba ni Diokno kung gaano kaligalig ang administrasyon nito na muntik-muntikan na rin makudeta at ma-impeach?

Dahil budget chief si Diokno, siguro naman eh alam niya kung gaano karami ang milyong-milyong minimum wage earners at mga informal workers (mga taong walang tiyak na pagkakakitaan at kasama sa mga tinatawag niyang mga “iyakin”] na hirap na hirap na ngayong mairaos ang kanilang pang-araw-araw na buhay dahil kapus na ang kanilang kinikita. Tapos nawala pa sa merkado ang murang bigas ng NFA.

Kung ganito kamanhid sa mga naghihikahos si Diokno, hindi nakapagtataka kung hindi handa ang safety nets at mga programang alalayan sana sa mga pinakamahihirap na apektado ng Train law. Katunayan, ngayon pa lang lumabas ang ibang plano kung papaano maiibsan ang epekto ng pagtaas ng mga bilihin at iba pa.

At kung hindi maunawaan ni Diokno ang mahirap na kalagayan ng mga apektado ng Train law at mataas na bilihin at iba pa, siya na lang ang unawain. Siya kasi ang budget chief kaya natural na ang tanging laman ng kaniyang utak ay buwis at perang makokolekta kahit sa mga naghihikahos na mamamayan.

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.