Monday, August 20, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Ano nga bang dapat gawin sa MRT-3?

Feb 10, 2018 @ 17:26

Sadyang malaki na ang problema ng MRT-3 at pati itong mga opisyal natin sa gobyerno eh nagbabangayan na. Ang tanong nga lang siguro ng mga mandirigmang pasahero, makatutulong ba ang sigawan nila para bumuti ang serbisyo sa MRT?

Sa totoo lang, nakakaawa rin itong si MRT-3 General Manager Rodolfo Garcia sa naging sigawan nila ni Speaker Pantaleon Alvarez sa isang House hearing tungkol sa MRT. May edad na si GM at mukhang bigat na bigat na siya sa tila walang katapusang problema ng MRT.

Kaya naman siguro ganun na lang ang emosyon niya nang pagdudahan ni Alvarez ang kakayahan niyang pamunuan ang ahensiya lalo na nang mapag-usapan ang mga bagon ng Dalian ng China na binili ng nakaraang administrasyon.

Sabi kasi ni Garcia, isa sa mga paraan na ginagawa nila para malutas ang mahabang pila ng mga pasahero ay gamitin ang mga bagon ng Dalian. At ilan daw sa mga ito ay nakabitan na ng signaling system. Pero kinontra ito ni Alvarez at iginiit na hindi ligtas gamitin ang mga bagon na Dalian dahil hindi tugma ang signaling system. Bukod doon, may pag-aaral umano na masyadong mabigat ang mga bagon ng Dalian kaya peligrosong gamitin at baka hindi kayanin ng riles.

Ngayon ang tanong: Uubra ba talagang gamitin ang mga bagon ng Dalian gaya ng sinasabi ni Garcia? Malamang para sa mga pasahero ng MRT na araw-araw na nagdurusa sa pagsakay para pumasok at makauwi, tiyak na payag silang malaman kung puwede bang gamitin ang mga bagong bagon.

Puwede naman sigurong i-test drive ang mga bagon ng Dalian sa madaling-araw at kung gagana, gamitin muna sa oras na hindi marami ang pasahero para masubukan lang kung ligtas itong gamitin at kung hindi magkakaaberya.

Ang problema kasi sa MRT, hindi lang ang kakulangan ng mga bagon ang isyu kung hindi pati ang ilang teknikal na bagay, pati na ang mga mismong riles. Kung hindi talaga uubra ang mga bagong ng Dalian, aba’y sayang ang bilyung-bilyong piso na ipinagbili rito.
At pagkatapos ano? Bibili uli ng mga bagong bagon?

Pero maliban sa pagkuha ng mga bagong bagon, ano nga ba ang maaari pang gawin para magamit ang MRT? Aba’y kung wala na talagang pag-asa ang mga bagon at riles, mabuti pang sementohin na lang ang riles ng MRT at hayaan dumaan doon ang mga P2P o point to point bus.

Puwede rin sigurong kontratahin ang mga may peryahan at hiramin ang kanilang mga ride na “caterpillar” para doon na lang sasakay ang mga pasahero. Aba’y nakarating na sila sa kanilang destinasyon, nakapag-mini rollercoaster pa sila. O kaya naman, ipatawag nila ang lahat ng nagto-trolley sa riles ng PNR at kunin ang kanilang serbisyo sa MRT na per station ang bayad.

Bukod diyan, dahil may mga kawad naman ang MRT, subukan din nila kung uubra ang mga “cable car” o maglagay kaya ng zip lines? O kaya naman eh gawin na mahabang swimming pool ang MRT na puwedeng lagyan ng gondola o kaya naman ay pang water rafting para mabilis ang biyahe ng mga pasahero.
Kayo ano ang magiging pambihirang suggestion n’yo?

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.