Monday, October 22, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Bakit naging hari ng kalsada?

Aug 4, 2018 @ 10:10

Madalas na laman ng balita ang “war on drug” pero hindi masyadong napapansin ang “war on street” kung saan makikita ang tunay na “hari” ng kalsada—ang Special Operation Task Force ng Metro Manila Development Authority na pinamumuan ni Bong Nebrija.

Halos araw-araw, nagsasagawa ng clearing operation ang grupo ni Nebrija sa iba’t ibang lugar at kalsada sa Metro Manila para alisin ang mga naghahari-hariang pasaway na mga motorista na iligal na nagpaparada, mga vendor na sumakop na sa mga bangketa, mga kolorum na public utility vehicle, mga maangas na rider na walang helmet, mga sigang driver na walang lisensiya at kung anu-ano pa.

Mantakin nyo, kahit ang mga bahay o tindahan na umusli na sa bangketa, hindi pinapalampas ng grupo ni Nebrija. Sinisita nila maging ang mga opisyal ng barangay, pulis, mga siga at pati na mga mahuhusay mag-ingles na nananakot ng kung anu-anong demanda.

Kung marami ang motorista at maging ang mga vendor na ipinagdadasal na mawala na sa Nebrija sa MMDA, o siguro kahit sa mundo, aba’y mas marami siguro ang ipinagdadasal na tumagal pa siya sa puwesto. Maraming residente ang natutuwa kapag nawawala ang mga sasakyang nakahambalang at nagpapasikip sa kanilang lugar; bagay na hindi magawa ng kanilang mga opisyal sa barangay dahil walang “balls” o kaya naman eh naniningil ng pa-parking sa kanilang kalsada.

Katunayan, kapag umalis na ang MMDA sa isang lugar at nagbalikan sa kanilang gawi ang mga pasaway na motorista at vendor, aba’y may mga nagpapadala ng litrato at video sa MMDA at sa social media para isumbong kay Nebrija na balik na naman sa dati ang kanilang lugar. Ang iba naman, nagre-request na magsagawa rin ng clearing ops sa kanilang lugar.

Kahit ang mga maangas na pulis na nasisita dahil walang helmet at makukuha pang magbanta sa mga MMDA enforcers, hindi inaatrasan ni Nebrija pagdating sa pangangatwiran. Aba’y ginagawa nga lang naman nila ang kanilang tungkulin bakit sila tatakutin at pagbabantaan.

Kaya nang minsan na may rider na sinita ang MMDA at nagbanta sa enforcer na babalikan, aba’y ipinahanap ni Nebrija ang bahay ng rider at kinompronta. Ang ending, tiklop ang matapang na nagbanta. Kahit ang isang babaeng abogada na sinita dahil sa illegal parking at tinangkang takasan ang MMDA enforcer, hindi rin nila tinantanan hanggat hindi natitiketan.

Paalala sa mga nagbabalak na manindak kay Nebrija, dati siyang military officer at isang PMA’er kaya siguraduhin nyo na nasa tamang lugar at katwiran kayo kapag makipag-usap sa kaniya. Dahil kung wala kayo sa lugar, ang simple niyang isasagot sa inyo, ipinatutupad lang ng kaniyang grupo ang batas. Huwag nang makikipagtalo kung natiketan ka dahil ginawa mong basket na lalagyan ng ulam ang helmet na dapat eh nasa ulo mo. Mali ‘yon!

Kung wala sa lugar at sinita, tanggapin ang pagkakamali at baka mapagbigyan pa. Kapag natiketan, huwag nang sasama ang loob dahil ang ibang pasaway na motorista eh nahahatak pa ang sasakyan na mas mahal ang bayad. Ang mga pasaway naman na sidewalk vendor, huwag nang pasaway kapag na-warningan nang huwag nang magtitinda sa bawal na lugar.

Sa dami ng mga nakakabangga ni Nebrija, hindi kataka-taka kung may mga magtatanim sa kaniya ng galit at magbabanta na gaganti. Hindi kasi maaalis na may mga sindikato o mga kolokoy na nawawalan ng kita kapag nabubulabog ang mga sidewalk vendor na tinatamaan ng clearing operation. O kaya naman eh may mga naniningil ng parking na nawawalan ng delihensiya kapag pinapaalis ang mga sasakyan sa mga iligal na paradahan. Kaya dapat mag-ingat din ang mama lalo pa’t may ilang insidente na rin na binabalikan ang mga traffic enforcer ng mga sinita nilang motorista at mga hindi pinagbigyan.

Sa panahon ngayon na marami na ang sasakyan at naghahari-harian sa daan, mabuti at dapat mayroong ahensiya na magpapaalala sa kanila kung sino ang tunay na hari sa daan na nagpapatupad ng batas.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.