Monday, August 20, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: ‘Endo’ at kontraktuwalisasyon

May 5, 2018 @ 9:00

Halos dalawang taon matapos ang 2016 elections, tila nagkaroon na ngayon ng reyalisasyon o pagharap sa katotohanan ang lahat na hindi talaga basta-basta mawawala ang tinatawag na “endo” o end contract, na sinasabing ginagamit ng ilang employer para abusuhin ang mga manggagawa.

Si Pangulong Mayor Duterte na mismo ang nagsabi na tali ang kamay niya sa naturang usapin [kasama na ang kontraktuwalisasyon] kaya kailangan talaga ang batas na ipapasa ng Kongreso para amyendahan ang matandang Labor Code.

Sa totoo lang, hindi natin lubos na masisisi ang pangulo kung naipangako man niya noong panahon ng kampanya na wawakasan niya ang “endo.” Kaya nga nitong nakaraang Labor Day, may pinirmahan siyang Executive Order na magpapalakas daw sa security of tenure ng mga manggagawa. Iyon nga lang, hindi pa malinaw kung anong mga direktiba ang nakapaloob dito laban sa “endo” at kontraktuwalisasyon.

Lilinawin natin na magkaibang hayop itong “endo” at kontraktuwalisasyon, pero mas animal nga lang itong “endo.” Ang “endo” kasi, kadalasang hanggang limang buwan lang ang ibinibigay ng kontrata ng employado. Kapag umabot kasi sa anim na buwan ang manggagawa, dapat na siyang maging regular.

At kapag naging regular ang manggagawa, aba’y makakatikim na siya ng iba’t ibang benepisyo tulad ng 13th month pay, leave credits, SSS, at iba pa. Sabi ng isang opisyal sa Palasyo na mahilig sa “hugot,” winakasan na daw at wala nang “endo,” pero nandiyan pa rin ang kontraktuwalisasyon dahil pinapayagan daw sa batas o Labor Code. Pero hindi naniniwala sa kaniya ang mga labor group.

Ang mga contractual worker, kadalasang kinukuha ng mga kompanya sa mga “seasonal” o napapanahong okasyon. Halimbawa tuwing Pasko, dahil marami ang namimili, pinapayagan ang mga mall na kumuha ng manggagawa sa ganitong panahon. At dahil mahina na ang bentahan matapos ang holiday season, marami na naman sa kanila ang matetengga at maghahanap uli ng ibang raket.

Sa ganitong klase ng labanan, ang mga maliliit na manggagawa na kadalasang hindi nakatapos ng kolehiyo ang agrabyado. Ang matindi, may mga kompanya na gagawa kunwari ng agency o ibang kumpanya na magha-hire ng mga manggagawa. Palalabasin nilang sub-contract ang mga manggagawa para madali nilang mapuputol ang serbisyo at ang agency na bahalang humarap kapag nagreklamo ng mga kawani.

Ginagawa ito ng mga malalaking kompanya na ayaw maiskandalo ang kanilang pangalan kapag nagsampa ng kaso o nagreklamo ang manggagawa. Siyempre, madali nilang masasabi na hindi nila tauhan ang nagrereklamong manggagawa, sa halip ay empleyado ng agency na kanilang naka-sub-contract.

Pero hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga manggagawa na gusto nang mawala ang “endo” at matigil ang pang-aabuso ng ibang kompanya sa kontraktuwalisasyon. Dahil daw sa EO na pinirmahan ni Duterte, magkakaroon daw ng idea ang mga mambabatas kung ano ang mga probisyon sa Labor Code na kailangang ayusin.

Ngunit maliban sa pagrepaso sa mga probisyon sa batas, dapat din sigurong pag-aralan ng mga mambabatas ang sahod na dapat ibigay sa mga contractual workers. Kung hindi naman talaga sila gagawing regular na manggagawa, hindi ba dapat lang siguro na mas mataas ang sahod na matanggap nila kaysa sa karaniwang minimum wage? Dapat din siguro silang magkaroon ng iba pang benepisyo at parang “separation pay” kapag natapos na ang kanilang serbisyo.

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.