Tuesday, December 11, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Justice, at ‘di ‘just-tiis’

Dec 1, 2018 @ 10:23

May kasabihan mga tsong na “justice delayed is justice denied.” Pero sa dami ng nakabinbing kaso sa korte at kakaunting hukom ang dumidinig, aba’y walang magagawa ang mga may kaso kung hindi ang maging abangers to the max sa paglabas ng hustisya.

Tulad halimbawa ng binansagang “Maguindanao Massacre,” aba’y ginunita nakaraang linggo ang ika-siyam na taong anibersaryo pero wala pa ring desisyon ng korte na lumalabas. Kung sabagay, hindi naman pangkaraniwan ang kasong ito sa dami ng pinatay na umabot sa 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag. Ang mga akusado, umabot sa mahigit 100, kabilang ang ilan sa miyembro ng prominenteng angkan ng mga Ampatuan sa Maguindanao.

Sa dami ng mga testimonya at ebidensiya na ipinakita ng panig ng mga nag-aakusa at mga depensa, bukod pa sa mga sinasabing taktikang pampatagal, asahan talaga na kakain ng maraming taon ang pagdinig. Gayunman, may kasabihan din na “there’s light at the end of the tunnel,” at mukha ngang may mababanaag nang liwanag sa kasong ito.

May kautusan daw kasi na nag-aatas sa korte na magpalabas ng “partial judgement” sa kaso. Ibig sabihin, ang akusado na nagkapagpresenta na ng kanilang depensa eh maaari nang timbangin ng hukom kung pasok o labas sa banga ang kanilang pananagutan. Kung papalarin, baka raw bago gunitain ang 10th anniversary ng karumal-dumal na krimen sa susunod na taon eh may mahahatulan na sa mga akusado.

Kung tutuusin, mabuti at kahit papaano ay “gumugulong” ika nga hustisya sa mga biktima ng Maguindanao massacre. Ang ibang kaso kasi, sa kakapusan ng mga hukom at kawalan ng lugar na pagdadausan ng pagdinig, ayun, nakatengga. Hindi lang tuloy ang mga biktima ang nagtitiis na mabigyan ng hustisya kung hindi pati ang mga suspek o akusado.

Papaano kung inosente pala ang isinasakdal, aba’y kawawa naman. Sa dami ngayon ng mga nakakulong dahil sa mahigpit na kampanya sa iligal na droga, aba’y nagkakapalitan na yata ng mukha at putok ang mga nakakulong.

Ang isa ngang hukom sa Laguna, napilitan nang magsagawa ng “hearing” sa bangketa para umusad lang at gumalaw ang mga kaso na nasa “sala” niya. Ang tanong ng ating kurimaw na takot mademanda, ilan pa kayang hukom sa bansa ang walang mapuwestuhan o magpadausan ng pagdinig? At kung hindi naman sila gagawa ng paraan para ma-“hearing” sa hawak nilang kaso, malamang na sila naman ang mapipintasan at pagbibintangan na tamad at walang ginagawa.

* *
Kailangan yatang kumilos ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan o ang mga mambabatas para repasuhin ang patakaran sa pananagutan ng mga transport network vehicle service (TNVS) sector kapag naaksidente ang “accredited” nilang sasakyan at napinsala o namatay ang pasahero.

Dapat maging “pambukas ng mata” ang nangyari sa isang college student na malubhang nasugatan at naging kritikal ang buhay nang mabangga ang sinasakyan niyang Grab car. Ayon sa mga lumabas na ulat, inantok daw ang driver ng Grab at nawala sa linya kaya nasalpok ng sasakyan sa likuran.

Minalas na bumangga ang Grab car sa scaffolding o tungtungan sa mga ginagawang gusali. Sa kasamaang palad, may lumusot na bakal sa sasakyan at tinamaan sa ulo ang pasahero. Ang tanong ngayon—sino ang may pananagutan at dapat sumagot sa gastusin sa ospital ng pasahero? ang kompanya ba dapat ng Grab, o ang driver lang ng Grab? Samantala, ang korte na siguro ang magpapasya tungkol din sa pananagutan ng sasakyan na nakabangga sa likuran ng Grab car.

Sa dami ng mga sumasakay ngayon sa TNVS, dapat ipagpalagay [pero huwag naman sana] na maaaring may mga ganitong insidente pa ang mangyari kaya dapat ngayon pa lang ay maliwanagan na ang responsibilidad ng mga driver at mga kompanya ng TNVS para maiwasan ang turuan. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.