Tuesday, June 19, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Managinip kasama ng NEDA

Jun 9, 2018 @ 11:01

Iba talaga kapag malaki ang sahod dahil tiyak na laging may laman ang sikmura nang masasarap at masustansiyang pagkain. At kapag busog, masarap matulog at walang problemang iniisip kaya tiyak na maganda rin ang panaginip—‘wag lang babangungutin.

Sabi kasi ng isang taga-NEDA (National Economic Development Authority), sapat na raw ang P10,000 na kita sa isang pamilya na lima ang miyembro [mag-asawa at tatlong anak siguro] para magkaroon daw ng “disenteng” tsibog o maayos na pagkain.

Ang matindi, sa naturang P10,000 na sahod, ipinakita sa breakdown o listahan ng gastos na P3,834.00 lang daw ay sapat na sa nabanggit na pamilya para tustusan ang pagkain ng limang tao para sa buong isang buwan. Aba’y ibig sabihin, papatak sa P127 o P128 lang bawat araw ang badget at sapat na sa pagkain. Tanong ng ating kurimaw na madalas malipasan ng gutom, ano kayang pagkain ang kinuwenta ng NEDA? at ilang beses na pagkain kaya ito? Isa, dalawa o tatlong beses isang araw kaya?

Ito pa matindi , ang badget na kailangan lang daw ng pamilya para sa renta ng bahay at kuryente, gas at iba pang fuel ay P2,204 lang. Ang renta sa bahay, napakamurang P1,288 lang; at ang gastos sa kuryente at blah blah blah, mantakin niyo… P744 lang.

Tanong naman ng isang kurimaw na sa ilalim ng tulay natutulog, saan kaya nakatira ang mga tao na pinagbasehan nila ng sampol para sa naturang datos nila? Kung sa malayo o liblib na lugar, baka ubra na ang P10,000. Pati na ang inilagay nilang breakdown sa gastos sa pagkain, renta sa bahay, bayad sa kuryente at blah blah blah.

Sa probinsiya kasi, karaniwang namang hindi nagbabayad ng renta ng bahay ang mga tao at hindi rin ganung katindi ang konsumo nila sa kuryente, at blah blah blah. Sa pagkain, simple lang ang tsibog nila…basta may kanin at ulan na isda, noodles at inani nilang talbos ng kamote sa bakuran. Pero kung sa lungsod nakatira ang isang pamilya, naku, tiyak na hindi na sila makakahinga dahil pa sobrang “higpit ng sinturon” ang kanilang gawin sa P10,000.

Aba’y sa renta pa lang ng bahay, masuwerte kang makakuha ng uupahang bahay sa halagang P1,000 na puwedeng magkasya ang limang pamilya. At sa presyo ng mga bilihin na pinataas pa ng Train law, baka isang beses sa isang araw lang makakatikim ng disenteng tsibog ang sinasabing pamilya ng NEDA.

Ang maganda pa sa tila “panaginip” na ito ng NEDA, may sobra pang halos P4,000 sa P10,000 na puwedeng gamitin sa pangangalaga sa kalusugan ng pamilya (P389), transportasyon (P806), komunikasyon (siguro pang-load sa cellphone na P293), aba’y pang lakwatsya pa o recreation and culture (P141), edukasyon (P328) at iba pa.

Pero kahit masarap ang tulog, tiyak na magigising ka pa rin sa katotohanan… huwag nga lang babangungutin dahil may kasabihang masamang matulog nang busog; Nang ulanin ng puna ang NEDA sa inilabas nilang datos, ipinaliwanag nilang “hypothetical” o “sakali” lang ang ibinigay nilang halimbawa. Aba’y bakit sila magbibigay ng “datos” sa media na hindi sila sigurado?

Sa panahon ngayon na marami ang kumakalam ang sikmura at nananaginip na tataas ang sahod nila at bababa ang presyo ng mga bilihin, singil sa kuryente, tubig at iba pa, natural na aalma ang mga tao kung sasabihin na sapat na ang P10,000 na sahod kada buwan para makakain nang sapat at blah blah blah. Baka ang dating pa nga nito sa iba eh, ‘wag na kayong mareklamo kung sumasahod na kayo ng mas mataas nang kaunti ng minimum wage. Para bang sinabi ng isang opisyal na “crybaby” ang mga mareklamo sa Train law at mataas na bilihin.

Kung tutuusin, sa tala ng NEDA noong 2015, nakasaad na dapat nasa P9,140 na ang sahod ng isang pamilya na lima ang miyembro para maging sapat ang pangangailangan sa pagkain. Aba’y nasa kalagitnaan na tayo ng 2018; at nang panahong 2015, wala pang Train law at ang inflation rate o datos ng pagtaas ng bilihin ay 1.4 percent lang. Malayo sa 4.6 percent ngayon, na pinakamataas sa nakalipas na limang taon.

Sa halip na magbigay ng mga datos na “hypothetical,” mas magandang magbigay na lang ng payo ang NEDA sa publiko ng ganitong linya, “kapit lang mga besh at makakaraos din kayo.”

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.