Friday, April 20, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Masusubukan ang bagong PNP chief

Apr 14, 2018 @ 9:08

Ilang araw na lang at bago na ang magiging hepe ng Philippine National Police sa katauhan ng tila mas seryoso na si Police Director Oscar Albayalde, na papalit sa kaniyang “kengkoy” na mistah o kaklase sa Philippine Military Academy na si Director General Ronald “Bato” Dela Rosa.

Marahil kapag tinanong natin ang ating kurimaw kung papaano niya maaalala si Gen. Bato bilang hepe ng kapulisan, baka ang isagot nito eh ang mga pakenkoy na pahayag sa media at ang ilang beses na pag-iyak na ginawa niya sa pagdinig ng Senado.

Siyempre hindi pa kasama doon ang pagiging tapat na opisyal niya kay Pangulong Mayor Duterte, at ang pagiging pasimuno niya sa Oplang Tokhang at Double Barrel na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Habang si Albayalde, aba’y naging markado ang mga pinaggagawa bilang hepe ng National Capitol Regional Police Office, tulad pag-iikot sa mga police station para malaman kung sino ang mga pulis na natutulog sa pansitan sa oras ng duty.

Ilang pulis din sa NCR ang inalis niya sa puwesto dahil sa mga sablay na gawain, gaya pagsibak sa buong puwersa ng Caloocan City police. Nangyari iyon dahil sa ilang insidente ng pagkamatay ng ilang menor de edad na nadawit sa droga, at mabistong pagsalakay ng ilang pulis sa isang bahay na naikawan pa.

Mukhang maganda naman ang dating ng paghirang kay Albayalde bilang kapalit ni Gen. Bato. Katunayan, kahit nga ang kritiko ni Pangulong Mayor Duterte na si Senadora Leila De Lima eh walang masamang tinapay at boto rin kay Albayalde.

Marami ang nasorpresa sa paghirang kay Albayalde dahil hindi naman siya taga-Davao na karaniwang ginagawang pagpili ng pangulo para nga naman matiyak niya ang loyalty nito sa kaniya. Bagkus, si Albayalde ay tubong Pampanga kaya hindi maiwasan ng ating kurimaw na mag-isip kung kasama kaya si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa mga nagrekomenda kay Duterte na piliin na susunod na PNP Chief ang kaniyang kababayan na si Albayalde.

Sa pag-upo ni Albayalde bilang bagong bastonero ng pulisya, aba’y maraming inaasahan sa kaniya lalo na pagdating parin sa kampanya laban sa droga at kriminalidad. Pero kasama na rin diyan ang katanungan tungkol sa pagiging propesyonal ng mga pulis dahil na rin sa mga reklamo ng extrajudicial killings.

Pero in fairness l, may isang insidente sa Valenzuela City kamakailan na nahuli ng mga pulis nang buhay ang isang lalaki na nag-amok at sinasabing lango sa droga. Kung sa iba siguro iyon, baka tinadtad na ng bala ang kolokoy lalo pa’t makikita naman sa CCTV na armado siya ng patalim nang sumugod sa mga pulis. Gayunman, binaril siya ng pulis sa bandang sikmura at nahuli pa rin siyang buhay at dinala sa ospital.

Kahanga-hanga rin ang ginawa ng ilang pulis-Maynila na nahuli ang isa sa dalawang holdaper na kanilang natiyempuhan habang nagpapatrolya. At kahit may baril ang nadakip na suspek, buhay din itong naaresto bagaman nakatakas ang kasama niya.

Sa totoo lang, kung nais ng pulisya na magtagumpay laban sa kriminalidad, kailangan nilang makuha ang tiwala at respeto ng publiko para hindi matakot na makipagtulungan sa kanila. At mangyayari ‘yan kapag nagtagumpay si Albayalde na palakasin pa ang propesyonalismo sa hanay ng kapulisan at alisin ang mga bugok.

Magandang halimbawa ang nangyaring insidente sa Valenzuela at Maynila, na pagpapakita na maaasahan ng mga tao ang mga pulis at hindi sila dapat katakutan.

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.