Tuesday, November 21, 2017
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: May “good at bad” kaso ni PNoy

Nov 11, 2017 @ 17:22

Gaya ng inaasahan, iniakyat ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang reklamong graft at usurpation of official functions laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay sa naging madugong Mamasapano operation sa Maguindanao noong 2015 para tugisin ang mapanganib na teroristang si Zulkifli Bin Hir alias Marwan.

Sa isang banda, maganda ang ginawa ng Ombudsman sa pagsasampa ng kaso laban kay Noynoy dahil ipinakita nila na bilang korte na tagausig sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan, eh wala silang kinikilingan

Sa totoo lang, kung nagpasya ang Ombudsman na ibasura kaagad ang reklamo, aba’y tiyak na katakot-takot na banat at batikos ang aabutin ng anti-graft court mula sa mga kritiko ni PNoy at Liberal Party, lalo na doon sa mga politikong nakapuwesto ngayon na may malalim na “hugot” o may tanim na galit sa dating pangulo.

Alalahanin natin na si Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay naitalaga sa kaniyang puwesto sa panahon ng termino ni PNoy; at ngayon ay yinuyugyog ang ale ng ilang politiko para malaglag siya sa kaniyang upuan.

Sabi nga ng ating kurimaw na magsasago sa kanto, dapat suriin din kung sino ang mga taong nasa likod ng isinampang kaso laban kay PNoy at makikita ang sagot sa tanong na one plus one equals Magellan.

Gayunman, tiwala ang kampo at mga tagasuporta ni PNoy na maidedepensa nito ang sarili kapag nilitis na ng Sandiganbayan ang kaniyang kaso. Kahit nga si Pangulong Rodrigo Duterte, naniniwalang mahina ang kaso at inayunan pa niya ang pananaw ng kritiko niyang si Senador Antonio Trillanes IV.

Aba’y magiging bad precedent nga naman o maling halimbawa na parusahan mo ang isang pangulo o commander in chief sa kasalanan na wala naman sa siyang control. Kung palpak nga naman na maituturing ang Mamasapano operation dahil 44 na pulis ang nasawi kahit napatay ang target na si Marwan, aba’y ang pananagutan nito ay dapat nasa opisyal na namahala sa misyon—si PNP Special Action Forces director Getulio Napeñas.

Kung nagbibigay man ng impormasyon si Napeñas sa kaniyang dating Philippine National Police chief na si Alan Purisima, kahit suspindido, aba’y sa kanilang dalawa lang iyon at labas si Noynoy dahil wala namang utos sa kaniya ang dating pangulo na gawin iyon.

Bilang pangulo nga naman, at dahil kilala at kaibigan niya si Purisima, natural lang na hingan din niya ito ng opinyon tungkol sa misyon lalo pa’t malawak ang kaalaman ng opisyal sa naturang usapin at kaniyang pinagkakatiwalaan.

Pero inatasan ba ni PNoy si Purisima na pamahalaan ang misyon kahit suspindido? Hindi, ang sabi ng dating pangulo.

Dating sundalo si Trillanes kaya batid niya ang kahalagahan ng pagsunod sa utos ng kanilang commander in chief lalo na kung para iyon sa bansa at walang nilalabag na batas. Kaya nga para sa kaniya, kung mayroon dapat managot sa nangyari sa operasyon, iyon ay si Napeñas.

Aba’y malaki nga namang problema sa mga susunod na pangulo kung sakaling mahatulang guilty si PNoy sa kaniyang kaso dahil ang desisyon na iyon ay magagamit na batayan sa hinaharap na puwedeng kasuhan ang mga pangulo sa mga misyon ng militar at pulisya na pumalpak, na kanilang binigyan ng pahintulot na isakatuparan.

Pero matagal pa naman ang pagdinig niyan mga tsong. Maliban sa Sandiganbayan, maaari pang iapela ang magiging desisyon tungkol diyan sa Court of Appeal, at nandyan pa ang Korte Suprema. Ang sabi nga komiks…abangan ang susunod na kabanata.

Facebook Comments

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.