Tuesday, September 25, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Mga bugoy sa PNP

Jun 30, 2018 @ 9:36

Eto na naman, tatlong pulis na may mababang ranggo na Police Office 1 ang nasakote na nangongotong umano sa mga nahuli nilang sangkot sa droga. Ang matindi, nagpanggap pa daw na mga tauhan ng Philippine Enforcement Agency (PDEA) ang mga mokong pero sa mismong police station sa Maynila nila “itinago” ang kanilang gagatasang biktima.

Kaya hindi rin natin masisisi itong si National Capital Region Police Office chief Guillermo Eleazar kung nagawa niyang ilabas ang inis niya sa tatlo niyang tauhan na kulang na lang eh suntukin niya o sampalan nang malakas nang makaharap niya sa police station.

Ang kuwento sa modus ng tatlo batay sa mga lumabas na mga ulat, aba’y parang katulad sa pelikula na napanood ng ating kurimaw na kaniyang ikinuwento. May inarestong suspek na sangkot sa droga, inilagay sa isang kuwarto ng police station na para bang itinago para ‘di makita ng ibang tao, at saka raw nakipagtawaran sa kung magkano ang pera na maaaring ibigay para hindi makasuhan.

Ang mga kolokoy na bugok na itlog sa PNP, nahiya pang aminin na pulis sila at nagpakilala raw na PDEA agent sa kaanak ng dinakip nila at magdadala sana ng pera. Ang kaso, nagsumbong ang kaanak sa tanggapan ng PDEA at doon nalaman na wala silang operasyon sa lugar kung saan nangyari raw ang operasyon. At sa tulong ng mga matitinong pulis sa Maynila, huli ka balbon ang mga kotong cops sa mismong police station.

Kaya naman si Eleazar, ganun na lang ang inis sa tatlo dahil sa nangotong na, aba’y mistulang tumae pa sa kanilang bakuran sa PNP dahil sa police station ginawa ang kanilang kalokohan. Ang matindi nito, sa ipinatupad na salary hike ng PNP, mas malaki ang pakinabang ng mga PO1 dahil dinoble na ang kanilang sahod. Aba’y sobra yata ang pangangailangan ng mga lintek at kailangan pa nilang dumiskarte nang pailalim.

Ang tanong ng ating kurimaw, wala kayang mas mataas na opisyal na nag-utos o padrino ng tatlong PO1 na pulis? Mahirap nga naman na paniwalaan na ganung kalakas ang loob ng tatlo na tataehan ang kanilang police station kung hindi alam ng ibang mas mataas sa kanila ang kanilang diskarte.

Dahil sa naturang insidente, muli na naman napag-usapan ang malaking problema ng PNP, hindi lang sa paglaban sa kriminalidad at droga kung hindi maging sa mga kabaro nilang mga bugoy at walang desiplina. Aba’y parang bibingka ang PNP na inaapuyan sa ilalim at ibabaw.

Ngunit sa totoo lang, iilan lang naman ang mga bugok at higit na mas marami pa rin ang mga matitino sa higit 180,000 police force ng bansa. Nang maupo ngang bagong hepe ng PNP si Chief Director General Oscar Albayalde, isa sa mga kaagad na direktiba niya sa Internal Affairs Service (IAS) eh resolbahin na agad ang mga kasong nakasampa sa mga bugoy na pulis.

Nang si Albayalde pa kasi ang NCRPO chief, 279 na pulis sa Metro Manila ang sinibak niya, 825 ang nasuspindi, 99 ang nabawasan ang ranggo at 1,750 ang nasampahan ng mga reklamo dahil sa iba’t ibang atraso. At ‘yan mga tsong eh NCR pa lang.

At dahil marami-rami siguro ang bugoy na pulis sa NCR, nakaisip ng paraan ang NCRPO kung papaano madaling maisusumbong ang mga pulis na pasaway sa pamamagitan ng “hotline,” chat at social media.
Kung may alam kayong pulis na wala sa ayos, puwedeng isumbong sa pamamagitan ng Viber, WhatsApp, Telegram, Line, WeChat, cellphone no. 0915-888-8181 at 0999-901-8181, email address na ncrporeact@gmail.com o Sms1.ncrpo@gmail.com, o sa Facebook @NCRPOreact.
Pero paano ang mga nais magsumbong laban sa mga bugoy na pulis na nasa labas ng NCR?
Bagaman maganda ang pakulong ito ng NCRPO, sana lang ay maging maingat din ang pamunuan ng NCRPO sa pagtiyak na ang isusumbong na mga pulis eh pasaway talaga at hindi lang dahil kinaiinisan, o may kagalit o kinainggitan o kaya naman ay gusto lang gantihan ng kaniyang dating nahuli.

At gaya sana ng mga hina-hunting na drug lords, may masakote rin sanang pulis na maituturing “big fish” sa kalokohan at hindi iyong isasakripisyo lang ang mga mabababang ranggo na PO1.

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.