Tuesday, December 11, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: MIMAROPAPAPA!

Nov 24, 2018 @ 10:49

Nakakaawa ang sinapit ng biyenan ni Senador Grace Poe na naaksidente nang mahulog ang kaniyang sasakyan mula sa ikatlong palapag ng parking sa Greenhills, San Juan kamakailan.

Kahit hindi maganda ang nangyaring insidente, marami pa ring “mabuti” na nangyari mga tsong. Una, mabuti at nakaligtas ang 83-anyos na biktima na si Dr. Teodoro Llamanzares, na nagtamo lang daw ng mga bali at galos.

Mabuti rin at naka-seatbelt ang biktima kaya hindi siya masyadong nagalaw sa kaniyang kinauupuan. Aba’y mabuti rin at nakababa na ang kaniyang sakay na maybahay bago pa siya umakyat para pumarada. Higit sa lahat, mabuti at umaga pa nang nangyari ang insidente na hindi pa gaanong matao sa lugar kaya walang ibang nadamay.

Pero sabi ng ating kurimaw na minsan napasyal sa lugar kahit walang sasakyan para lang mag-selfie sa itaas, “accident” waiting to happen ang naturang elevated parking sa Greenhill. Napansin daw kasi niya na hindi gaanong makakapal ang bakal na rehas at wala ring sapat na proteksyon para mapigilan ang isang sasakyan na hindi mahulog kapag aksidenteng umarangkada o napaatras.

Hindi pa malinaw kung ano ang buong istorya sa pagkahulog ng sasakyan ni Dr. Llamanzares; kung paatras ba ang pagparada niya o paharap at nadiinan niya ang silinyador kaya nagtuloy-tuloy sa pagkahulog. Pero iyon na nga, kung matibay lang sana o may harang na makakapal na bakal sa gilid ng paradahan, maaaring napigilan at hindi tuluyang nahulog ang sasakyan.

Kung nagkataon na tanghali, o hapon na maraming tao sa lugar at maraming sasakyan na nakapila sa ibaba para magparada sa itaas, tiyak na mas matindi ang magiging pinsala. Hindi ito ang unang pagkakataon na may sasakyan na nahulog mula sa mga elevated parking, hindi sa lugar na ito. Panahon na siguro na silipin ng mga kinauukulan ang lahat ng mga elevated parking para maiwasan ang katulad na insidente na maaaring magdulot ng mas matinding trahedya

* *

Lusot na sa Kamara de Representantes at Senado ang panukalang batas na biyakin sa tatlo ang lalawigan ng Palawan. Pero hindi naman tatawaging Palawtwo at Palawthree ang dalawang bagong lalawigan. Sa halip, ang Palawan ay maging Palawan Del Norte, Palawan Oriental at Palawan Del Sur.

Sa ilalim ng panukalang inaprubahan sa Senado, ang Palawan del Sur ang magsisilbing “mother province” na kabibilangan ng mga munisipalidad ng Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Espanola, Brooke’s Point, Bataraza, Balacbac, at Kalayaan. Makakasama naman sa Palawan del Norte ang mga munisipalidad ng Coron, Culion, Busuanga, Linacapan, Taytay, at El Nido.

Ang Palawan Oriental naman ay kabibilangan ng mga munisipalidad ng Roxas, Araceli, Dumaran, Cuyo, Agutaya, Magsaysay, Cayancillo, at San Vicente. At siyempre, solo pa rin bilang naghaharing lungsod ang Puerto Princesa.

Para maipatupad, kailangan pang magkaroon ng plebisito para malaman kung aprubado ito ng mga Palawenyo sa 2020. Ang kaso, may mga tutol sa naturang panukala dahil sa tingin nila, hakbang ng mga pulitiko ang pagbiyak sa lalawigan para mas marami ang nakapuwesto.

Bakit nga naman hindi, kung ngayon ay isang gobernador lang, isang bise gobernador at ilang konsehal ang nakaupo, ngayon, maging “times 3” ito kapag naaprubahan. Pero maliban sa political accommodation lang ang tingin ng iba sa hakbang, mayroon din nangangamba na baka samantalahin ng China ang pagbiyak sa Palawan para makaposisyon sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Aba’y kung talagang peligroso ang pagbiyak sa Palawan na mayaman sa likas-yaman, sa bundok man at karagatan tulad ng “Malampaya” gas, dapat sigurong may magdala ng usaping ito sa katas-taasang korte para magkalinawan.

Ang ibig bang sabihin nito magiging “MIMAROPAPAPA” ang MIMAROPA dahil kailangan tatlo (3) ang representasyon ng Palawan, kasama ang Mindoro, Marinduque at Romblon? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.