Saturday, November 17, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Nalagasan ng ‘alamat’

Nov 3, 2018 @ 9:09

Maraming nalungkot at nagulat sa pagpanaw ng isang “alamat” sa music, at maging sa buong entertainment industry, na si Rico J. “Baby” Puno. Siya ay 65-anyos.

Nang mabalitaan ng ating kurimaw na mahilig magsuot ng malapad na pantalon na yumao na ang idol niyang si Rico J, na tinaguriang OPM icon, legend, at total performer, kaagad daw nagbalik sa alaala niya ang ilan sa napakarami nitong hit songs tulad ng “Macho Guwapito,” The Way We Were (Alaala sa Lunes),” “Together Forever,” “Kapalaran, “ “Lupa,” “May Bukas Pa,” “Buhat,” Tao’y Marupok,” at napakarami pang iba.

Dahil kakaiba ang hagod at tunog ng boses ni Rico J. na parang magaspang, madaling makikilala na kanta niya ang tinutugtog. Idagdag pa siyempre ang mga kanta niyang sinusundutan niya ng salitang “baby.”

Maliban sa suwabeng bigote, naging tatak din noon ni Rico J ang malapad na laylayan ng pantalon na parang maglilinis lagi ng sahig. At alam ba ninyo ang “J” sa kaniyang pangalan? Iyan ay pinaigsing “De Jesus” dahil ang buo niyang pangalan ay Enrico De Jesus Puno.

Kung tutuusin, hindi naman na dapat ikabigla ang pagpanaw ni Rico baby dahil ilang beses na rin siyang naoperahan sa puso. Pero dahil marami ang humahanga sa kaniya at nanatili siyang aktibo sa kaniyang propesyon, bukod pa sa pagiging konsehal ng Makati, talagang marami ang nagulat.

Kasabay ng gulat ang lungkot dahil marami ang humahanga sa kaniyang husay at estilo ng pagpapasaya na sinasamahan niya ng “kapilyuhan.” Ang kagandahan kay Rico baby, hindi masama na humirit siya ng mga “pilyong” patawa sa mga pagtatanghal dahil trabaho niya ang magpatawa at magpasaya. Pero kung isa kang opisyal ng bayan at hindi naman komedyante o entertainer, aba’y umayos ka.

Mula sa pagiging singer sa mga club noong 1970’s, unti-unti gumawa ng pangalan si Rico J sa music industry, hanggang sa mapasok na rin niya ang showbiz sa paglabas sa mga pelikula. Nasundan pa ito ng paglabas niya sa mga commercial at telebisyon, at bumida sa mga sitcom at teleserye. Katunayan, dapat may concert pa siya sa Nobyembre. Ganun siya kaaktibo pa rin.

Sa dami ng nagawa at naimarka ni Rico J sa kaniyang industriya, hindi na masama ang 65 taon na pamamalagi niya sa lupa. Sabi nga niya sa isa niyang kanta, “Nagmula sa lupa, magbabalik na kusa, ang buhay mong sa lupa nagmula.”

Sa pagkawala ni Rico J. malamang na marami ang makakaisip na naman na sadyang maigsi ang buhay. Pero sana maisip din ng mga iba mga tsong na tumino habang nabubuhay at gawin ang tama lalo na ang mga opisyal ng bayan.

Gaya na lang ng mga bagong namamahala sa Bureau of Customs na muli pinuputakti ng puna dahil sa nakalusot na naman na malaking bulto ng droga. Hindi na yata malaman kung papaano mapapatino ang ahensiya kaya naiisipan nang ipahawak ito sa militar.

Pero bukod sa labag sa Saligang Batas na maglagay ng aktibong militar sa mga sibilyang posisyon sa gobyerno tulad ng BOC, wala ring katiyakan na titino ang ahensiya matitigil na ang mga kalokohan. Alalahanin natin mga tsong na maraming heneral at nakasuhan dahil sa pagkurakot sa pondo ang militar. At ipaalala rin natin na dating militar at dating pulis, ang dalawang nagdaang pinuno ng ahensiya kung saan may mga “nakalusot” daw ng droga sa BOC.

Maliban pa dun, sinabi ni Senador Ping Lacson na minsan na ring pinamunuan ng militar ang BOC noong 1960’s at kahiya-hiya umano ang naging resulta. Ang pinakamahusay na gawin umano sa BOC ay maigtingin ang counter-intelligence sa ahensiya para mahadlangan ang mga gagawa ng kalokohan, pati na ang mga opisyal na kolokoy.

Bukod noon, dapat maging ehemplo ng katinuan ang pinuno nito. Oo nga naman, kung papatay-patay kasi ang pinuno ng ahensiya at may bahid ng kalokohan, tiyak na lalakas ang loob ng kaniyang mga opisyal at pati na ang mga sindikato na gumawa ng katarantaduhan. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.