Wednesday, October 17, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Pwedeng-pwede ang Romblon

May 12, 2018 @ 9:08

Sa pansamantalang pagsasara ng Boracay na tinawag ni Pangulong Mayor Duterte na “cesspool”, ilang magagandang lugar pa sa Pilipinas mga tsong ang nabigyan ng pansin ng mga bakasyunista, tulad ng Romblon.

Kung tutuusin, hindi kalayuan ang Romblon sa Boracay at maaaring puntahan ang dalawang lugar sa pamamagitan ng bangkang de motor. Pero hindi gaya ng Boracay na masasabing “laspag” na sa dami ng turistang nagpunta, ang Romblon, hinding-hindi pa.

Dahil nga sa pagsasara ng Boracay para isailalim sa rehabilitasyon, biglang taas ng bilang ng mga turistang nagpupunta sa Romblon. Pero para sa kaalaman ng ating mga katsokaran, tatlong isla ang bumubuo sa Romblon—ang isla ng Romblon, ang Tablas, at ang Sibuyan.

Sa totoo lang, kahit saan naman sa islang ito ang mapuntahan, hindi masasayang ang pagod mo dahil mayroon at mayroon kang beach na mapupuntahan, at bundok na puwedeng akyatin, at magagandang tanawin na puwedeng mag-selfie.

Iyon nga lang, dahil sa hindi pa lubos na nabibigyan ng pansin ang turismo ng Romblon, may kahirapan pa ang pagpunta rito. Limitado pa ang biyahe ng eroplano na ang landing ay sa Tablas. Samantalang nasa walong oras (magdamag) ang biyahe sa barko, na ang sakayan pa eh nasa Batangas, at hindi pa rin naglalagay uli sa North Harbour sa Maynila.

Maliban sa usapin ng transportasyon, hindi pa ganoong karami ang maayos na hotel at resort. Kung magtutungo sa Romblon, dapat maging handa sa adventure dahil sa mga uri ng transportasyon at pagsakay sa mga bangka para makapamasyal sa mga isla.

Kung may malaking negosyante na susugal sa turismo ng Romblon, magandang maglagay ng resort sa bawat isla na magiging bahagi ng tour package kung saan maaaring magpalipas ng bawat araw ang turista sa bawat isla ng Tablas, Romblon, at Sibuyan.

Sa Sibuyan, maaaring puntahan ang magandang isla na Cresta De Gallo, magtampisaw sa malamig na tubig ng Catingas River at Dagubdub Falls, at mag-hiking sa Mt. Guiting-guiting.

Puwede ka ring mag-island hopping sa Romblon at isa sa dapat puntahan ang magandang Bonbon beach. Puwede ring mamili rito ng mga marble souvenir products.

Sa Tablas kung saan naroon ang airport, puwede ring puntahan ang Aglicay beach resort, ang Binucot beach at ang Looc Fish Sanctuary.

At kung may pagkakataon, huwag hayaan na hindi mapuntahan ang tinatawag na “Boracay ng Romblon,”—ang Carabao Island sa San Jose, Romblon.

Siyempre, maglaan din ng oras na mag-ikot sa mga lungsod sa pagsakay ng mga tricycle nang makita ang mga lumang bahay sa bawat isla, mga lumang estruktura, makipagkuwentuhan sa mga residente at tumikim ang mga lokal na kakanin.

Hindi pa lubos na nadidiskubre ng mga mahihilig maglakwatsa ang Romblon, kaya naman may pagkakataon pa ang Department of Tourism at lokal na pamahalaan na planuhin kung papaano ito mapaghahandaan ang “Rombloom!”

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.