Saturday, December 15, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: ‘Senator Mocha’, feel mo?

Oct 7, 2018 @ 9:50

Ngayong linggo na, October 11 hanggang 17 magsisimula ang paghahain ng kandidatura ng mga tatakbo sa 2019 mid-term elections. Dahil dito, inaasahan na magkakaroon ng balasahan sa Gabinete ni President Mayor Duterte dahil nasa hanggang anim na opisyal niya ang posible raw na tumakbo sa lokal at pambansang posisyon.

Ibig sabihin nito posibleng kumandido bilang senador o kaya naman ay gobernador, kongresista o mayor ang mga opisyal na nakapuwesto kapag nagbitiw sila sa kani-kanilang posisyon. Bakit kaya nais pa nilang magbakasakali na tumakbo pa sa halalan na hindi naman sila siguradong mananalo? O may alam ba silang teknik para maging sure ang kanila panalo?

Tanong ng ating kurimaw na hindi nakapagparehistro bilang botante, hindi na kaya masaya sa kanilang puwesto ang mga aalis na opisyal? Hindi ba sila sure na matatapos ni President Mayor ang kaniyang termino? O natatakot silang bigla na lang silang sibakin sa puwesto? Bakit nga kaya?

***

Tutal eh napag-uusapan na rin lang ang mga posibleng umalis sa kanilang puwesto para tumakbo sa darating na eleksyon, ibinulong ng isa nating kurimaw na may isang nalaos na tv personality na nagdarasal na makasama sanang umalis sa puwesto at kumandidato rin ang isang opisyal na may mataas na puwesto.

Umaasa raw kasi ang nalaos na tv personality na baka makuha niya ang puwesto ng opisyal. But wait there’s more, ang nakakatuwa, may plano na si nalaos na tv personality na gagawing undersecretary o assistant secretary na abogado na wala naman daw kasong naipanalo at desperadong maging taga-media. Kaya pala duet ang dalawa kung bumanat sa kani-kanilang social media account para mapansin kahit kokonti ang followers.

Ito naman si opisyal, dati na palang tumakbo sa isang lokal na posisyon pero hindi tumuloy nang “aregluhin” at bigyan ng kabuhayan ng makakalaban sana niyang politiko. Ang malaking tanong, gawin kaya niya uli ni politiko ang ginawa niyang pag-areglo noon kay opisyal? Baka naman lalaban na ngayon nang sabayan si opisyal dahil mayroon na siyang malaking naipon na pangampanya? Abangan ***

Habang hinihintay pa kung sino-sino ang mga opisyal na magbibitiw para tumakbo sa 2019 elections, nauna nang nagbitiw sa kanila si Communication Assistant Secretary Mocha Uson. Sabi niya, ginawa niya ang pagbibitiw bilang sakripisyo upang maaprubahan ang 2019 budget ng PCOO na naiipit sa deliberasyon sa Kongreso dahil daw sa napag-iinitan niya.

Pero kahit nagbitiw na, palaban pa rin ang lola dahil nagbanta siya na patuloy pa rin siyang babanat sa kaniyang social media account at blog. Pero ang tanong ng ating kurimaw, patulan pa kaya ng “mainstream” media ang mga sasabihin niya sa kaniyang mga post ngayong “karaniwan” na lang siyang mamamayan at hindi na opisyal? Sapat bang dahilan ang 5 milyon niyang followers sa social media para pansinin pa rin siya ng mainstream media?

Dahil dito, hindi inaalis ng ating kurimaw na lumaban ng pustahan na baka tumakbo rin sa posisyon sa 2019 si Mocha. Bukod sa posisyon bilang senador, hinihinala na baka tumakbo siyang kongresista sa ilalim ng party-list system. Sa dalawa, mukhang mas madali kay Mocha na manalong kongresista sa party-list system dahil percentage lang ng boto ng isang grupo (tulad ng mga OFW o entertainers) ang kailangan niya.

Sabi ng ating kurimaw, kung tatakbong senador si Mocha, aba’y magandang tumakbo na rin daw na senador ang entertainer na si Ethel Booba. Kung tutuusin daw, mas maayos pang iboto si Ethel dahil hindi raw nagpapaggap na matalino.

Kapag nagsasalita o naglalagay ng komentaryo sa kaniyang social media account, alam mo agad na nagbibiro lang siya dahil laging may nakasulat na “charot.” Bukod doon, may sense din daw ang mga hirit ni Ethel tulad ng payo niya sa mga magre-resign: “Pag magre-resign kayo antayin nyo muna makuha ang 13th month pay. 3 to 6 months pa naman ang back pay. Charot!”

May makukuha pa namang 13th month pay ang mga aalis na opisyal, iyon nga lang hindi na buo. Pero kung tumakbo nga kayang senador ang dalawa at isa lang ang pipiliin, kanino niyo ibibigay ang boto niyo ?

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.