Friday, April 20, 2018
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Usapang paputok

Jan 7, 2018 @ 12:23

Sa nakalipas na mga taon, ang pagsalubong sa 2018 ang pinakatahimik na sigurong pagpapalit ng taon na nasaksihan natin dahil sa malaking bawas ng mga taong nagpaputok dahil yata sa takot na makulong o magmulta.

Sa totoo lang , dapat na palakpakan natin si Pangulong mayor Digong Duterte dahil isa siguro sa mga dahilan kaya kumonti ang nagpaputok ay dahil sa ipinalabas niyang Executive Order na nagreregulate sa paggamit ng paputok at pagtatalaga ng mga firecracker zone.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga Pinoy na ipinatupad niya ang firecracker ban sa Davao City mula nang maging mayor siya. Kaya nga ang lungsod ang may pinakamababang bilang ng mga napuputukan sa bansa tuwing sasapit ang bagong taon.

At nang maging pangulo siya, marami ang nagtaas ng kilay na tila gustong hamunin si President mayor kung magagawa rin niyang ipatupad ang firecracker ban sa buong bansa.

In fairness, hindi naman niya iniutos na total ban pero malinaw ang mensahe sa kaniyang EO na mas makabubuting magpailaw na lang kaysa gumamit ng mga malalakas na uri ng paputok na may pangalan pang “goodbye Philippines” o “goodbye world,” na kapag nasabugan ka eh mag-gu-goodbye ka na talaga sa mundo o sa kamay mo.

At batay nga sa datos ng Department of Health at Philippine National Police, 68 percent ang natapyas sa firecracker related injuries mula December 21 hanggang sa oras nang magpaalam si 2017 at pagdating ni 2018.

Bagaman malaki ang ibinaba ng mga biktima na 191 lang at walang nasawi, nakalulungkot na may pito na naputulan ng mga daliri kaya hindi sila makapagde-demonstrate habang kinakanta ang “10 mga daliri.”

Kaya nang magpalit ang 2017 at 2018, marami ang nagpaingay na lang ng music, nagtuktok ng kaldero, nagpailaw, naligo nang sabay kasama si kumander, at baka may hindi na lang naligo para lang magkaputok.

Ngunit maliban sa mga tinamaan ng putok, malaki rin ang nabawas sa biktima ng tinamaan ng bala, at maging ang insidente ng sunog sa buong bansa na 36.

Bagaman hindi pa tiyak kung mga paputok ang pinagmulan ng mga sunog dahil nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad, batid naman natin na sa mga nagdaang mga taon eh kuwitis o roman candle ang itinuturing sanhi ng mga sunog kapag pumasok sa bahay ang baga o apoy mula sa mga lumilipad na pampailaw na ito.

Ngayon ang tanong, dapat na nga bang lubusang ipagbawal ang paputok at isama rin ang mga lumilipad na pampailaw? Gayunman, dapat din naman sigurong kausapin ng pamahalaan ang stakeholder o mga apektado ng paghina ng negosyo ng paputok gaya ng mga taga-Bulacan.

Baka puwede silang matulungan na makaisip o makahanap ng ibang pagkakakitaan na ipapalit sa dating patok na paputok. Bagaman seasonal lang naman ang negosyo ng paputok, maigi na ring mabigyan sila ng alternatibong maibebenta o magagawa tulad ng mga nauuso ngayong electronic paputok. O kaya naman ay maging sentro sila pagawaan ng “kuyo” pero ang papuputukin na nila ay pigsa.

Pero sa totoo lang, bagaman marami sa mga nagtitinda ng paputok ang luhaan sa pagsalubong sa 2018, isipin na lang nila na nakatulong sila sa pagbaba ng bilang ng mga biktima ng paputok.

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.