Tuesday, November 21, 2017
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Walang pang-body cam pero may pambili ng aso

Sep 9, 2017 @ 8:42

May panibagong sakit ng ulo si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa tungkol sa imahe ng kapulisan na tila nagiging makati ang daliri ng ilang pulis sa gatilyo.

Sa loob ng buwan ng Agosto, tatlong insidente ng pamamaril ng mga pulis sa mga taong “nanlaban” daw ang nagbibigay ng pagdududa sa publiko kung mapagkakatiwalaan ba talaga ang ating mga mamang pulis.

Gaya ng nangyari sa sundalong si Corporal Rodilo Torres Bartolome, na nakaligtas nga sa mga bala ng mga terorista sa Marawi, namatay naman sa bala ng mga pulis sa Zamboanga del Sur.

Pauwi si Bartolome sa kaniyang pamilya matapos madestino sa Marawi nang barilin siya ng dalawang pulis dahil “bumunot” daw siya ng baril. Rumesponde umano ang mga pulis sa lugar kung saan nag-aabang ng masasakyan ang sundalo matapos silang makatanggap ng sumbong na may kahina-hinalang tao.

Sa Caloocan City, lumikha ng malaking black eye sa war on drugs ang pagkamatay ni Kian Loyd delos Santos na binaril ng mga pulis dahil nanlaban daw. Pero sa awtopsiya sa kaniyang bangkay, sinasabing hindi nanlaban at sadyang walang awang pinatay ang binatilyo.

But wait there’s more!

Ngayon naman, pinagdududahan din kung nanlaban nga sa mga pulis kaya napatay din sa Caloocan ang umano’y holdaper na si Carl Angelo Arnaiz, 19-anyos. Gaya ng nangyari kay Kian, nagsagawa rin ng pagsusuri ang Public Attorneys’ Office sa bangkay ni Arnaiz.

May indikasyon daw na hindi rin ito nanlaban at sadya ring pinatay gaya ng sinapit ni Kian.
Sa tatlong insidente, pawang naninindihan ang mga pulis na sila ang nagsasabi ng totoo.

Gayunman, maliban sa nangyari kay Arnaiz, sinasabing may video na magpapatunay na hindi totoong nanlaban si Kian at maging si Bartolome.

Kung tutuusin, madali sanang malaman ang katotohan kung mayroong body camera ang mga pulis o may dash cam ang kanilang mga sasakyan. Ang kaso, laging sinasabi ng pamunuan ng PNP na walang budget na pambili ng camera.

Kaya naman nayamot na si Sen. Ralph Recto nang malaman niya na nagawang humingi ng pondo ang PNP sa pagbili ng 48 aso na kayang umamo’y ng bomba sa halagang P500,000 ang bawat isa.

Hindi naman sa sinasabi natin na hindi mahalaga ang mga asong umaamoy ng bomba lalo na ngayong matindi ang banta ng terorista. Pero hindi ba mahalaga rin naman ang mga body camera dahil buhay ng tao ang nakataya — at kung mapatay man ang tao [sadya man o hindi], eh ang mabigyan sila ng hustiya.

Mabuti pa ang lokal na pamahalaan ng Maynila, naisipan na lagyan ng body camera ang mga traffic enforcer para maiwasan ang kotongan at pang-aabuso rin ng mga motorista.

At kahit siguro hindi pa masyadong hi-tech ang body o dash camera ang gagamitin ng PNP na nasa presyong P8,000 hanggang P10,000, aba’y marami-rami na rin sigurong pulis ang makakabitan nito at unahing lagyan ang mga pulis-Caloocan para magsilbing experimental unit.

Kung magpapatuloy ang mga ganitong kuwento ng sinapit nina Bartolome, Kian at Arnaiz sa kamay ng mga pulis, aba’y parang kumukuha ng bato na ipinupokpok sa ulo itong si Bato.

(Twitter: follow@dspyrey)

Facebook Comments

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.