Friday, July 20, 2018
politiko-politics-ph-logo

Weng dela Fuente: Facebook Data Breach

Apr 7, 2018 @ 17:46

Magtitiwala ka pa ba sa Facebook sa harap ng pagkabunyag na nakompromiso ang impormasyon ng milyung-milyong Facebook users para manipulahin ang US Election noong 2016?

Sa ngayon, ang social media platform ang masasabing naging daan para muli magkita-kita sa pamamagitan ng social media ang mga magkakaibigan at magkakamag-anak na matagal nang nalayo sa isa’t isa.

Hindi maikakailang mabilis ang naging pagpapalitan ng impormasyon at pagpapakalat ng mga balita sa pamamagitan ng FB.

Kaya nga maging ang mga mainstream media gaya ng radyo, telebisyon at peryodiko, sumakay na rin sa Facebook para marating ang mas malawak na audience.

Pero sa pagdami ng mga taong gumagamit ng social media platform, nakita
naman ng ilang indibidwal na may interes na samantalahin ito sa kanilang personal na pakinabang.

Kaya nga umusbong na parang kabute ang mga anghihikayat na tangkilikin ang kanilang online business at maging ng mga pulitiko na gumagamit ng social media sa kanilang propaganda.

Ang paggamit ng mga pulitiko sa social media para sa kanilang political motiations ay malaking banta sa karapatan ng publiko, inaalis kasi nito ang karapatan para sa informed choice ng mamamayan.

Para protektahan ang kanilang mga users, sinabi ng Facebook na anumang political ads sa kanilang platform ay ire-require na nila na tukuyin kung sino ang nagbabayad ng mensahe at beberipikahin nila ang pagkakilanlan ng nagbayad.

Hakbang ito ng Facebook para mahadlangang maulit pa ang anumang outside election interference. Bahagi din ng bagong polisiya na i-require ang anumang mensahe para sa kandidato o anumang public issue na ilagay ang label na “political ad” kasama ang pangalan ng tao o grupong nagbayad nito.

Sa isang mensahe, sinabi ni Facebook founder Mark Zuckerberg na maglalagay din sila ng mga taong magbabantay ngunit aminado pa ring hindi ito sapat para hadlangan ang mga taong nais laruin ang kanilang sistema sa pamamagitan ng pagbuo ng fake accounts at pages para sa kanilang ads.

Dito sa Pilipinas, sinasabing nasa 1.2 Filipino Facebook accounts ang walang pahintulot na naibahagi sa Cambridge Analytica na siyang nasa likod ng malawakang data breach sa Estados Unidos.

May ulat din na bumisita sa Pilipinas noong 2015 para sa isang ‘research trip’ ang isang mataas na opisyal ng sinundang kumpanya ng Cambridge Analytica, ang Strategic Communications Laboratories, at tumulong sa isang kandidato sa Pilipinas noong 2016 Presidential Elections.

Kaya nais ni Quzon City Councilor Winston Castello na ipatawag ang matataas na opisyal ng Facebook upang kumpirmahin ang report.

Tunay na nakakapangamba ang impormasyong ito kung may katotohanan lalo’t lumalabas na nalalaro ang mga account owners para sa kapakinabangan ng ilang pulitiko.

Hindi masama ang Facebook o anumang social media accounts, dapat nga lang mag-ingat ang publiko sa kanilang mga ibinabahaging personal na impormasyon, at hindi dapat pakasangkapan sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon.

Anumang uri ng manipulasyon, isang malaking banta sa karapatan ng mga mamamayan para sa malayang pagpili ng impomasyong paniniwalaan.

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.