Tuesday, December 12, 2017
politiko-politics-ph-logo

Weng dela Fuente: Sereno Impeachment

Dec 1, 2017 @ 14:06

Hindi na bagong bagay sa mga Pinoy ang impeachment.

Nasaksihan na ang mga ito sa nakaraan gaya sa impeachment laban kay dating Pangulong Joseph Estrada, Ombudsman Merceditas Gutierrez at ang pumanaw na dating Chief Justice Renato Corona.

Hindi natapos ang impeachment proceedings laban kay Estrada dahil sa walk out ng mga Senator-Judge nang hindi pahintulutang buksan ang kontrobersyal na Jose Velarde envelope na nauwi sa EDSA People Power II, nagbitiw naman si dating Ombudsman Merceditas Guttirrez bago naipursige ang impeachment proceedings laban sa kaniya.

Tanging ang impeachment complaint laban kay dating CJ Corona ang naipursige na nauwi sa pagpapatalsik sa kaniya bilang punong mahistrado ng Korte Suprema.

Sa pamamagitan lamang ng impeachment maaaring patalsikn sa pwesto ang isang impeachable official gaya ng Presidente, Bise Presidente, mahistrado ng Korte Suprema at pinuno ng mga constitutional bodies tulad ng Commission on Elections (COMELEC), Commission on Audit (COA) at Office of the Ombudsman na inaakusahan ng paglabag o tinatawag na impeachable offense, kabilang ang culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, treason, high crimes at betrayal of public trust. Ito rin ang prosesong pinagdadaanan ngayon ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kinasuhan sya ni Atty. Larry Gadon dahil sa mga aksyong pasok sa culpable violation of the Constitution at graft and corruption.

Inakusahan si CJ Sereno nang pagpalsipika sa SC resolutions at pambabalewala sa SC En Banc matapos itatag ang Judicial Decentralized Office o JDO sa Region 7 sa halip na Regional Court Administration Office o RCAO, nang walang kaukulang pagpapatibay ng collegial body.

Sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Justice, humarap si Supreme Court Associate Justice Teresida de Castro para pagtibayin ang sinasabing akusasyon laban kay CJ Sereno.

Pero para sa ilang law experts, maaari lamang gamiting grounds ang sinasabing pagmamalabis sa poder ni CJ Sereno kung hindi lamang isang beses, bagkus paulit-ulit at maraming pagkakataon nitong binalewala sa pagbababa ng desisyon ang En Banc.

Sa rin sa batayan ng reklamo ang sinasabin ni Atty. Gadon an hindi aniya pagdedeklara ni CJ Sereno sa kaniyang 2010 Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng P30- million na kinita niya sa pag-a- abugado noon sa Philippine International Air Terminals Company (PIATCO), ang kumpanyang nagtayo ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ikinatwiran ni CJ Sereno na hindi nag-reflect sa kaniyang SALN ang halaga dahil sa utay-utay naman niyang tinanggap ang nasabing halaga sa loob ng limang taon.

Hindi na tayo magugulat kung makalusot ang impeachment complaint laban kay CJ Sereno dahil sa isyu ng SALN dahil sa ganito rin nailusot ang impeachment case noon laban kay dating CJ Corona.

Sinabi nga ni Fr. Ranhilo Aquino, dean ng San Beda Graduate School of Law, posibleng mag-qualify ito sa culpable violation of th Constitution kung susundan ang Corona impeachment, dahil sa “pinababa ang standards ng impeachment ng isangimpeachable official”.

Hindi maikakaila na ang impeachment ay numbers game at maglalaro dito ang pulitika.

Kaya nga kung may sapat na bilang, nagagawan ng paraan na mapabilis ang proseso ng impeachment laban sa isang impeachable official, regardless kung may matibay na basehan o wala, depende sa kumpas ng naka-upo sa Malacanang.

Kung pagtitibayin ng Kongreso, i-a- akyat ang articles of impeachment sa Senado na siyang uupo bilang impeachment
court.

Kaya asahan na sa papasok ng bagong taon, panibagong impeachment telenobela ang susubaybayan ng publiko. Ang tanong ngayon ng publiko, hangang saan ang itatagal at ikapananatiling matatag ni CJ Sereno?

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.